2021 budget at kwestyunableng Special Allotment Release Order ng NTF-ELCAC, pinasisilip ng Makabayan sa Kamara

Ipinabubusisi ng Makabayan sa Kamara ang pondo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ngayong taon.

Sa House Resolution 1728 na inihain ng anim na Makabayan Congressmen, inaatasan ng mga ito ang House Committee on Public Accounts na imbestigahan “in aid of legislation” ang budget ng NTF-ELCAC na nagkakahalaga ng ₱19 billion sa ilalim ng 2021 National Budget.

Ipinasisilip din ang ₱2.6 billion na pondo mula sa ₱19 billion budget ng NTF-ELCAC na umano’y naikalat sa iba’t ibang ahensya na wala man lang project breakdown.


Bukod pa sa naturang pondo ay mayroon pang kwestyunableng Special Allotment Release Orders o SAROs na aabot sa ₱9.65 billion na inisyu ng Department of Budget and Management (DBM) para sa Barangay Development Program ng NTF-ELCAC na anila’y hindi ma-access ang detalye sa DBM website.

Giit ng Makabayan Bloc, karapatan ng publiko na malaman kung papaano ginugugol ng NTF-ELCAC ang kanilang pondo sa gitna na rin ng patuloy na epekto ng COVID-19 pandemic.

Kasabay nito ay iginiit din ng Makabayan ang suspensyon ng SARO at paglilipat ng pondo ng task force sa ibang mga programa ng gobyerno tulad sa ayuda ngayong pandemya.

Facebook Comments