Tatapusin na ngayong araw ng Kamara ang deliberasyon sa 2021 national budget sa House Committee on Appropriations.
Ayon kay House Speaker Alan Peter Cayetano, ngayong araw nila balak tapusin ang pagtalakay sa pambansang pondo sa committee level upang maiakyat at masimulan na ang budget proceedings sa plenaryo.
Tiniyak naman ni Cayetano na hindi makaka-apekto sa takbo ng 2021 budget hearings ang ilang isyu na nagsulputan sa Kamara ngayong linggo partikular ang pagkwestyon sa umano’y hindi patas na budget allocation sa infrastructure projects ng bawat distrito at ang tangkang pagbakante sa Speakership post.
Ang paglutang aniya ng isyu lalo na sa pagpapalit ng liderato sa Kamara ay makakaapekto sa budget na siya namang hindi papayagan ng Speaker.
Binigyang-diin ni Cayetano na hindi siya mananatili sa pwesto kung mismong mayorya na ng Kamara ang aayaw sa kanya pero iginiit nito na hindi niya hahayaan ang ilang mga mambabatas na i-hijack ang pagdinig sa budget gamit ang isyu tungkol sa Speakership.