Umapela ang mga kongresista na dagdagan ang pondo ng Office of the Vice President (OVP) para sa 2021.
Sa pagdinig ng 2021 budget ng OVP ay personal na humarap sa House Committee on Appropriations si Vice President Leni Robredo.
Aabot lamang sa ₱679.074 million ang pondo ng OVP sa susunod na taon na siyang pinakamaliit na pondo na nakapaloob sa ₱4.5 trillion 2021 national budget at higit na mababa kumpara sa ₱708.01 million na budget ng tanggapan ngayong 2020.
Naunang inirekomenda ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez na dagdagan ng 10% o ₱130 million ang OVP budget dahil nakikita naman ng Kamara ang mga hakbang at ang dedikasyon ni VP Robredo para makatulong sa pamahalaan ngayong may COVID-19.
Hiniling naman ni Baguio Rep. Mark Go na doblehin ang budget ng OVP upang mas marami pang magawa at matulungan ang tanggapan ng Ikalawang Pangulo.
Sinabi naman ni VP Robredo na kung madadagdagan pa ang kanilang pondo ay malaking tulong ito sa kanila upang mas marami pa silang komunidad na mapagsilbihan.
Maging ang mga kongresista sa Makabayan Bloc ay nanawagan na rin sa Kamara na doblehin ang pondo ng OVP para sa susunod na taon.