Hihingi na ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng supplemental budget na nasa ₱9.8 billion para sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Ito ay dahil mabilis maubos ang pondo bunga ng pagtulong sa mga returning Overseas Filipino Workers.
Ayon kay OWWA Administrator Hans Leo Cacdac, posibleng maubos ang kanilang 2021 budget na nasa ₱6.2 billion sa susunod na buwan o Mayo.
Halos nagamit na aniya ang kabuuan ng pondo.
Aniya, sumulat na si Labor Secretary Silvestre Bello III sa Department of Budget and Management (DBM) para sa supplemental budget.
Mayroon pa ring 10,000 OFW-returnees ang nananatili sa hotel quarantine facilities.
Ang accommodation cost para sa isang OFW kada araw ay higit-kumulang ₱3,000.
Ibig sabihin, nasa 30 milyong piso kada araw ang ginagastos ng OWWA para sa accommodation ng mga returning OFWs na nananatili ng walo hanggang siyam na araw sa hotel.
Hindi pa kasama rito ang swab testing at transportation expenses.
Gayumpaman, kumpiyansa ang OWWA na ibibigay ng DBM ang supplemental budget.