Sa budget hearing ng Senado ay iginiit ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Teodoro Locsin Jr. na ibaba sa ₱12 million ang ₱28 million na panukalang budget para sa susunod na taon ng Presidential Commission on Visiting Forces (PCVF).
Ang PCVF ay isang attached agency ng DFA at may oversight power ang Office of the President.
Ipinaliwanag ni Locsin na ang pagtapyas sa budget nito ay para mabigyang punto na ibabasura na ng bansa ang Visitang Forces Agreement (VFA) na kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Amerika para sa pagsasagawa ng joint military execises.
Sa budget hearing ay muling iginiit ni Secretary Locsin ang kaniyang pagtutol na ibenta ang mga ari-arian ng Pilipinas na nasa Japan dahil bahagi ang mga iyon ng kasaysayan ng bansa.
Ang apat na properties ay ibinigay ng Japan sa Pilipinas bilang reparations o kompensasyon sa World War 2 kaya diin ni Locsin, ang mga ito ay simbolo ng paghihirap ng war veterans at pakikipagkaibigan ng dalawang bansa.
Samantala, tinanong naman ni Senator Imee Marcos si Locsin ukol sa bagong resolusyon na adopted ng United Nations Human Rights Council na nag-aalok ng technical assistance at capacity building sa Pilipinas.
Sagot ni Locsin, na kailangan ng bansa ng teknikal na tulong para sugpuin ang problema sa droga at mga isyu sa karapatang pantao.
Pero ayon kay Loscin, hindi nila ito hiningi sa pamamagitan ng pagpasok sa bansa ng mga indibidwal na may paghusga na sa bansa tulad ni UN Special Rapporteur on Extra Judicial Killings Agnes Callamard.