2021 General Appropriations Act, lusot na sa ikalawang pagbasa

Napaaga ang session break ng Kamara matapos na biglang pagtibayin sa ikalawang pagbasa ang House Bill 7727 o ang 2021 General Appropriations Act.

Ginawa ang pag-apruba sa ₱4.5 trillion 2021 national budget sa gitna ng isinagawang privilege speech ni Speaker Alan Peter Cayetano patungkol pa rin sa isyu ng Speakership.

Agad na nagmosyon si Cayetano na i-terminate na ang deliberasyon ng plenaryo sa 2021 budget at aprubahan na ito sa second reading.


Pinagbatayan ng Speaker sa agad na pag-terminate ng budget ang section 55 ng House rules.

Sinegundahan naman ang mosyon na ito ni Appropriations Vice Chairman Jose Antonio Sy-Alvarado.

Ginawa ni Cayetano ang mosyon upang patunayan sa mahigpit nitong kalaban sa pagka-Speaker na si Marinduque Rep. Lord Allan Velasco na hindi niya hino-hostage ang budget.

Kasabay ng pag-apruba sa 2021 budget ay ang mosyon ng pagsuspinde sa sesyon ng Kamara hanggang November 16.

Binibigyan naman ang mga kongresista ng hanggang November 5 para isumite ang kanilang mga individual amendments sa pambansang pondo mula sa binuong small committee na pinamumunuan ni Majority Leader Martin Romualdez.

Samantala, dahil sa pinaagang session break ay hindi pa mabatid ngayon kung tuloy pa ang palitan ng Speakership sa October 14.

Facebook Comments