Iginiit ng Malacañang na typographical errors lamang ang binabago kung mayroong ‘errata’ sa 2021 General Appropriations Bill.
Ito ang pahayag ng Palasyo matapos ihayag ni Senator Panfilo Lacson na patuloy na tinatalakay ng isang maliit na grupo ng mga kongresista ang amendments sa ₱4.5 trillion na pambansang pondo kahit inaprubahan na ito ng Kamara sa ikatlo at huling bansa.
Sinabi ni Lacson na nakasaad sa 1987 Constitution na hindi maaaring magkaroon ng amendments kapag nakalusot na ang panukala sa pinal na pagbasa.
Sinegundahan ito ni Presidential Spokesperson Harry Roque at sinabing hindi na maaaring baguhin ang mga nakapaloob sa 2021 budget.
“Well, as a finding of fact, we need to establish that the errata really refers to a typographical error. But if it refers to additional items, then I would share the view of the senators, because if it is approved on third and final reading, there should be no changes anymore,” sabi ni Roque.
Sinabi rin ni Roque na hindi pa napapatunayan ang alegasyong may ilang kongresista ang nagpasok ng additional items hanggang hindi pa nailalabas ang aprubadong bersyon ng budget.
Bago ito, inihayag ni Albay Representative Joey Salceda na isinusulong ng Kamara ang ₱20 billion na institutional amendments sa budget bill.
Kabilang dito ang karagdagang ₱5.5 billion para sa COVID-19 vaccines; ₱4 billion sa Department of Labor and Employment (DOLE) para tulungan ang displaced workers; ₱1.7 billion sa Department of Education (DepEd) para punan ang pangangailangan sa online classes; ₱2 billion sa Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa mobility assets ng pulisya at ₱2 billion para sa pandemic assistance sa mga apektadong pamilya at iba pa.
Una nang sinabi ni House Appropriations Committee Chairperson Eric Yap na tanging mga ahensya ng gobyerno at hindi mismo ang mga mambabatas ang makagagawa ng amendments sa 2021 budget.
Nabatid na hindi nakalusot at ‘vetoed’ kay Pangulong Rodrigo Duterte ang ilang items ng 2019 budget, kung saan karamihan sa mga items ay hindi kasama sa original bill na inaprubahan ng Kamara sa pinal na pabasa.
Kabilang sa mga hindi naaprubahan ay ang ₱95 billion na halaga ng public works projects na itinuturing ni Pangulong Duterte na unconstitutional.
Ang 2021 national budget ay nakatakdang i-akyat sa Senado sa October 28.