2021 national budget, idadaan na sa konsultasyon ng Kamara at Senado para sa mas mabilis na proseso

Sasailalim muna sa konsultasyon ng Kamara at Senado ang 2021 national budget para sa mas mabilis na proseso at pagapruba dito.

Ayon kay House Speaker Alan Peter Cayetano, para sa matiwasay na proseso ng paghahanda at pagapruba sa pambansang pondo, magkakaroon muna ng pagbalangkas ang ehekutibo at lehislatibo.

Sang-ayon naman dito si Budget Secretary Wendell Avisado na magkaroon muna ng konsultasyon sa mga komite ng Senado at Kamara bago pa man maisumite ng pangulo ang panukalang pambansang pondo sa kongreso.


Dumodoble lamang din kasi ang trabaho na kapag Department of Budget and Management (DBM) ang bumalangkas ay babaguhin lang din naman ng Senado at Kamara.

Hangad din ng Kamara at DBM na maiwasang ma-veto ng pangulo ang ilan sa nilalaman ng inaprubahang appropriations bill ng dalawang kapulungan.

Sinabi naman ni House Majority Leader Martin Romualdez na ang hakbang na ito ay salig lamang din sa constitutional mandate na ang “power of the purse” ay nasa kongreso.

Facebook Comments