Tiniyak ng Makabayan sa Kamara na bubusisiin nila nang husto ang 2022 budget ng Department of Health (DOH).
Ang hakbang ng Makabayan ay sa gitna na rin ng Commission on Audit (COA) report na P67 billion ang budget deficiency o pondong hindi nagamit nang tama ng DOH.
Ayon kay Bayan Muna Partylist Rep. Carlos Zarate, isa ang deficiency na ito sa mga isyu na kanilang hihimayin kay Health Secretary Francisco Duque III sa pagdinig sa pondo ng ahensya sa ilalim ng 2022 national budget.
Pero paglilinaw ni Zarate, hindi nila haharangin ang pondo ng ahensya dahil batid nila ang pangangailangan para mapondohan ang mga programang may kinalaman sa pagtugon sa COVID-19.
Titiyakin lamang aniya nila sa Makabayan na mailalaan sa tama ang pondo at mapapanagot ang sinumang responsable sa anomalya sa ahensya.
Nauna nang ipinanawagan ng Makabayan ang pagbibitiw ni Duque dahil sa natuklasang nawawalang P67-B na pondo ng ahensya at ang pagpapa-imbestiga sa isyung ito sa Mababang Kapulungan.