2022 budget ng DSWD, maiipit kapag kinatigan nito ang “no vax, no subsidy policy”

Maantala ang pag-apruba sa panukalang budget ng Department of Social Welfare and Development o DSWD sa susunod na taon.

Ito ay kapag pumayag ang DSWD sa isinusulong ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na huwag bigyan ng ayuda ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps na hindi pa nababakunahan laban sa COVID-19.

Inihayag ito ni Committee on Finance Vice Chairperson Senator Imee Marcos na siyang mag-sponsor sa proposed 2022 budget ng ahensya.


Nagkakahalaga ito ng mahigit P191 billion kung saan P115 billion ang para sa 4Ps.

Ayon kay Marcos, sinabihan na niya ang DSWD na hindi papayag ang mga senador sa “no vaccine, no subsidy” policy.

Una nang iginiit ni Marcos na posibleng wala pang bakuna sa lugar ng 4Ps beneficiaries kaya hindi sila nababakunahan.

Diin ni Marcos, ang daming bakuna ngayon ang nakaimbak lang pero hindi maihatid sa Local Government Units dahil sa kawalan ng mga medical ref o freezer at problema sa transport logistics.

Facebook Comments