Tiniyak ni House Speaker Lord Allan Velasco na hindi maaapektuhan ang budget process sa Kamara ng ginawang pagbibitiw ni Budget Secretary Wendel Avisado.
Ayon kay Velasco, sinisiguro niya na hindi maaapektuhan ng nasabing pagbabago sa Department of Budget and Management (DBM) ang nalalapit na budget deliberation sa Kongreso.
Tiwala rin ang liderato ng Kamara na magagawa at maipagpapatuloy ng mahusay ni officer in charge at Budget Undersecretary Tina Rose Marie Canda ang trabaho para sa 2022 National Expenditure Program (NEP).
Sa ngayon ay inaabangan na ng Kamara ang pagsusumite ng DBM sa 2022 NEP sa August 20 o 23 upang masimulan na ang pagdinig sa pambansang pondo at maaprubahan ito sa itinakdang deadline.
Sinabi pa ni Velasco na nauunawaan nila na mas dapat na iprayoridad ni Avisado ang kanyang kalusugan at hangad nila ang pagbuti ng kalagayan ng dating Kalihim.
Samantala, naunang sinabi ni Appropriations Committee Chairman Eric Go Yap na hihilingin nila kay Pangulong Rodrigo Duterte na sertipikahang urgent ang 2022 national budget upang mapagtibay ito bago ang session break ng Kongreso sa October 1.
Tiniyak naman ni Yap na kahit hihilingin ang sertipikasyon para sa budget ay hindi naman palulusutin agad ang mga ahensya sa pagbusisi sa pondo tulad ng Department of Health (DOH), Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Public Works and Highways (DPWH).