Muling tiniyak ng Department of Energy (DOE) na walang kakapusan sa suplay ng kuryente sa darating na 2022 national election.
Sa pagdinig sa 2022 budget ng DOE, natanong ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate sa DOE kung ano ang kasiguraduhan na walang brownout at walang aberya sa energy supply sa halalan ng susunod na taon.
Tugon ni Energy Usec. Wimpy Fuentebella, batay sa 2022 Luzon power outlook ay may sapat na suplay ng kuryente kaya walang Yellow Alert at walang power interruption na inaasahang magaganap sa halalan.
Katunayan, mula week 19 hanggang 36 sa 2022 ay may sapat na reserba ng kuryente na nasa 1800 kwh at hindi bababa sa 1400 kwh.
Ang power reserves na ito ay nasa taas ng yellow line kaya hindi magkakaroon ng Yellow Alert o kakulangan sa suplay ng kuryente at power outages.
Bukod dito, may binuo na ring Task Force Election na hindi lamang pangungunahan ng DOE kundi binubuo rin ng ibang ahensya kasama ang NAPOCOR, NEA, PSALM, TRANSCO, NGCP at mga distribution utilities.
Ang task force aniya ay nakahanda 24/7 para agad na makaresponde kung kakailanganin para matiyak ang maayos na eleksyon sa Mayo 2022.