Ibinabala ni Senator Risa Hontiveros na maaaring maimpluwensyahan ng gobyerno ng Tsina ang halalan sa 2022 sa pamamagitan ng mga cyber espionage campaign laban sa Pilipinas.
Diin ni Hontiveros, klaro namang gagawin ng Tsina ang lahat para maangkin ng tuluyan ang ating mga karagatan at teritoryo sa West Philippine Sea, at kasama ang pagtatalaga ng lider na hindi kokontra sa utos nila.
Ang babala ni Hontiveros ay kasunod ng report na inilabas ng cyber security firm na Kaspersky na mayroong isang “rare, wide-scale advanced persistent threat” ng mga Chinese “actors” na nagtitipon ng geopolitical at economic intelligence sa Asya at Africa.
Ayon kay Hontiveros, nakasaad din sa report, na ang 1,400 na users sa Pilipinas, kabilang na ang mga entity ng gobyerno, ay nabiktima ng mga spear-phishing emails na naglalaman ng mga malisyosong dokumento.
Dahil dito ay iginiit ni Hontiveros sa Department of National Defense at sa Department of Information and Communications Technology na tingnan agad ang mga ulat ng Kaspersky.