2022 national budget, dapat ituon sa paglikha ng trabaho

Dahil sa patuloy na pagkawala ng trabaho dulot ng pandemya, ay iginiit ni Labor Committee Chairman Senator Joel Villanueva sa gobyerno na ituon ang P5.02 trilyon na national budget sa susunod na taon sa paglikha ng maraming hanapbuhay.

Ayon kay Villanueva, dapat sulitin ng pamahalaan ang EQ o Employment Quotient ng paggastos sa imprastruktura sa pamamagitan ng paghiling sa mga contractor na bigyan ng hanapbuhay ang mga taong nakatira sa proyekto nila.

Inihalimbawa ni Villanueva na maaaring mga magsasaka rin ang kunin upang i-mintina ang mga irigasyon na napakahalaga sa kanilang ikinabubuhay kung saan magkakaroon ng additional income ang mga taong nagtatanim ng ating kinakain.


Hiniling din ni Villanueva na ilabas ng maaga at mabilis ang pondo para sa proyektong agrikultura at pangkalusugan upang magamit sa paglikha ng trabaho.

Binanggit ni Villanueva na sa susunod na taon ay gagasta tayo ng P19 billion sa ilalim ng Health Facilities Enhancement Program para magtayo ng mga pasilidad na magliligtas ng buhay, at magbibigay pa ng trabaho.

Isa pang paraan sa paggawa ng trabaho ay ang pagpapatigil ng gobyerno sa pag-angkat ng mga produkto sa ibang bansa na maaari namang mabili dito sa Pilipinas.

Binigyang diin din ni Villanueva na dapat tutukan din ang National Employment Recovery Strategy o NERS na programa ng pamahalaan sa paglikha ng trabaho at pagkakaroon ng isang tunay na “scorecard” kung ilan ang trabahong nag resulta mula dito.

Isinusulong din ni Villanueva ang panukalang gawing permanente na ang TUPAD program na nagkakaloob ng pansamantalang hanapbuhay sa mga nawalan ng trabaho.

Facebook Comments