Inihayag ng Commission on Elections (COMELEC) na hindi mapipigilan ng COVID-19 pandemic ang pagdaraos ng 2022 Presidential election.
Ito ang tiniyak ni COMELEC Spokesperson James Jimenez matapos tanungin sa social media kung mabibigyang katwiran ba ang pagkansela sa nalalapit na eleksyon dahil sa mga nangyayari sa India.
Matatandaang biglang tumaas ang kaso ng COVID-19 sa India kung saan marami na ang namatay.
Ayon kay Jimenez, hindi nabibigyang katwiran ang kanselasyon ng nalalapit na eleksyon sa bansa ng dahil lamang sa takot.
Aniya, maaari lamang suspendihin o ideklara ang failure of election ng COMELEC sakaling imposible nang magsagawa ng malaya at patas na botohan.
Sa ngayon, isang taon at walong araw ang natitira bago ang 2022 Presidential election kung saan puspusan na rin ang ginagawang paghahanda ng COMELEC para dito.