Isasalang na bukas sa plenaryo ang ₱5.268 trillion 2023 national budget.
Sa abisong inilabas ng tanggapan ni Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara, bukas ng hapon ay sisimulan na ang sponsorship sa pambansang pondo ng susunod na taon.
Sa Miyerkules naman ay sisimulang isalang sa debate at interpelasyon sa plenaryo ang 2023 General Appropriations Bill (GAB) kung saan magiging umaga at hapon ang sesyon para sa pagtalakay ng budget.
Unang isasalang ang mga ahensya ng Department of Budget and Management (DBM), Department of Finance (DOF), at National Economic and Development Authority (NEDA) gayundin ang budget para sa mga local government unit (LGU), calamity fund at mga pensyon.
Inaasahang tatagal ang interpelasyon sa budget hanggang sa susunod na Miyerkules, November 16.
Target na mapagtibay sa ikatlo at huling pagbasa ang bersyon ng Senado ng GAB sa November 21 at agad na isasalang sa bicameral conference committee para pagkasunduin ang mga bersyon ng dalawang kapulungan ng Kongreso.
Sa December 5 ay inaasahang mararatipikahan na ng Kongreso ang bicam report ng 2023 national budget at bago mag-Pasko ay tuluyan na itong malagdaan ng pangulo.