Pinababawasan ni Senator Raffy Tulfo ang 2023 budget ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ng P2 billion para ilipat sa National Children’s Hospital (NCH).
Sa privilege speech ni Tulfo, kaniyang isusulong sa pagsalang sa ‘period of amendments’ na tapyasan ang P12 billion na pondo ng Office of the Secretary ng DENR at ang ibabawas na P2 billion ay ililipat sa NCH na aniya’y mas nangangailangan ng tulong.
Inisa-isa ng senador ang nakakaawang kalagayan ng mga batang pasyente at ang pasilidad ng National Children’s Hospital.
Ilan sa mga inilapit na problema sa NCH ni Tulfo na kailangang aksyunan na ng Senado ay ang kakulangan sa manpower, mababang sahod ng mga health frontliners doon, sira-sirang mga pasilidad, outdated na mga equipment, maliliit na therapy rooms at mabagal na pagtugon sa mga pangangailangan ng mga mahihirap na pasyente.
Aniya pa, ang mga pasilidad sa NCH ay mababa sa standard ng maayos na facility dahil ang mga bintana ay tinakpan lang ng sirang mga plywood na maaaring mapasukan ng alikabok, usok, lamok at init mula sa labas dahil sa kawalan ng maayos na bentilasyon.
Sa halip aniya na gumaling ay mas lalo pang magkakasakit ang isang pasyente.
Sa oras na mailusot sa ‘period of amendments’ ang pagbabawas sa budget ng DENR at ilipat sa NCH, tiniyak ng senador ang pagbabantay sa paggugol sa pondo at ang mga ilalatag na development sa nasabing pagamutan.