Tiniyak ni Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara na sa paglagda ni Pangulong Bongbong Marcos Jr., sa 2023 General Appropriations Act (GAA) ay sigurado ang tuloy-tuloy na paghahatid ng serbisyo ng gobyerno sa pagpasok ng unang araw ng bagong taon.
Kasama na aniya rito ang pagbibigay ng “targeted ayuda” kung saan ang tulong ay direktang ihahatid sa mga sektor na pinaka-apektado ng pandemya.
Kabilang dito ang pagpapatuloy ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), medical assistance para sa mga mahihirap, libreng sakay program, scholarships program, tulong para sa mga tsuper at operators gayundin sa mga magsasaka at mangingisda at ang pagtaas ng pensyon ng mga mahihirap nating mga senior citizen.
Aniya pa, tiniyak din ng mga mambabatas na nakapaloob sa pambansang budget ang patuloy na pagbibigay ng benepisyo at allowances sa ating mga health frontliner at ang patuloy na pagtugon sa pagtaas ng presyo ng bilihin.
Dagdag pa rito ay malaking bahagi aniya ng 2023 GAA o mahigit ₱170 billion ay alokasyon para sa sektor ng agrikultura kung saan ang pangulo mismo ang personal na nakatutok.
Tulad aniya ng sinabi ni Pangulong Marcos, ang panukalang pondo ay nakalinya sa agenda ng gobyerno tungo sa kaunlaran.