Pinagtibay na sa Senado sa ikalawa, ikatlo at huling pagbasa ang P5.268 trillion 2023 national budget.
Sa botong 21 sang-ayon at wala namang pagtutol ay pinal na naaprubahan din ng Senado ang 2023 General Appropriations Bill (GAB).
Halos dalawang oras lamang ang naging pagtalakay sa mga amyenda sa pambansang pondo.
Inilarawan ni Finance Committee Chairman Senator Sonny Angara ang 2023 budget na tutugon sa pangangailangan ng mga tao ngayong post pandemic, titiyak sa food security ng bansa, magpapalakas sa edukasyon at paghahanda sa bansa mula sa epekto ng climate change.
Isinulong din ni Angara ang realignment o paglilipat ng pondo mula confidential fund ng ilang ahensya ng gobyerno sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE).
Aniya, nasa P153 million na halaga ng confidential fund ng iba’t ibang ahensya ang nailipat sa MOOE kabilang ang P100 million confidential fund ng Department of Education (DepEd) patungo sa MOOE o iba pang mga programa at proyekto ng Office of the Vice President (OVP).