Tinalakay na sa Senate Committee on Finance ang panukalang P39.59 billion na pondo sa 2024 ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Pinangunahan ni Senate President pro tempore Loren Legarda ang pagdinig sa budget ng DOLE kung saan ilang paksa ang napag-usapan.
Kabilang dito ang pagkwestyon ni Senator Nancy Binay kung bakit kasama sa working age population ng bansa ang mga nasa edad na 15 anyos gayong pwede itong maituring na ‘child labor’ na ipinagbabawal sa bansa.
Paliwanag dito ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma, ang edad na 15 taong gulang ang international standard ng global age para sa pwedeng magtrabaho.
Aniya ang 15 years old ang minimum employable age sa bansa na sinusunod din ng ibang mga bansa at iba naman ang ‘working children’ sa itinuturing na ‘labor child’.
Tulad aniya sa ibang mga kabataan na ‘working student’, ito ay pinapayagan basta’t hindi delikado ang trabaho at ito ay may pahintulot ng magulang at limitado lang din ang oras ng pagtatrabaho.
Ikinabahala naman ni Legarda ang datos na sa mahigit anim na milyong underemployed sa bansa, nasa 33% dito ang college graduates.
Iginiit ng senador ang pangangailangan na bumuo ng mga hakbangin upang matiyak na mabibigyan ng maayos na trabaho ang mga college graduates na naaakma sa kanilang pinag-aralan.