Wala pang 30 minuto ay nakalusot sa Senate Subcommittee on Finance at inendorso na sa pagtalakay sa plenaryo ang 2024 budget ng Office of the President (OP).
Sa budget presentation ng OP sa Senado, aabot sa P10.707 billion ang hinihinging pondo ng tanggapan para sa susunod na taon.
Ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin, ang proposed budget ng OP ay 1% ng kabuuang halaga ng 2024 national budget.
Ang nasabing pondo ay mas mataas ng 17.78 percent o P1.6 billion kumpara sa P9.091 billion na budget ng OP ngayong 2023.
Sa panukalang pondo ng OP sa 2024, pinakamalaki ang itinaas sa Capital Outlay na nasa 183.72 percent o P1.676 billion mula sa P590.794 million ngayong taon.
Ang malaking pagtaas sa pondo ng capital outlay ng OP ay alokasyon para sa renovation at rehabilitation ng mga pasilidad at pagtatayo ng mga support facilities sa Malacañang gayundin ang pagpapalit ng mga lumang sasakyan.
Samantala, humiling naman si Bersamin sa Senado ng ‘modest increase’ sa kanilang pondo para sa susunod na taon pero ito naman aniya ay dapat nakapaloob sa pamantayan ng mga naunang fiscal years.