Aprubado na sa Senate Committee on Finance ang ₱1.921 billion na 2024 budget ng Presidential Communications Office (PCO).
Sa pagdinig, iginiit ni PCO Secretary Cheloy Garafil na 98% ng obligated funds ng ahensya noong unang taon ng Marcos administration ang na-disburse, na-utilize o nagamit.
Para sa susunod na taon ay inihayag ni Garafil ang pagprayoridad ng PCO sa pagsugpo ng fake news kung saan gumawa ang ahensya ng partikular na programa rito, ang media information literacy (MIL) campaign.
Makikipagtulungan din ang PCO sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno gaya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED), Department of Information and Communications Technology (DICT) at Department of the Interior and Local Government (DILG) para mabigyan ng kapangyarihan ang mga kabataan kontra fake news.
Isinusulong din ng ahensya ang pagkakaroon ng positive collaboration sa iba’t ibang social media platforms para labanan ang fake news sa halip na i-ban ang mga ito.
Samantala, umaasa rin ang PCO na ma-regular ang mahigit 100 contract-of-service personnel hanggang sa katapusan ng taon.
Sinabi ni Garafil, na nagsumite na sila sa budget department ng bagong structure ng organisasyon at kung maaprubahan ito ng Department of Budget and Management (DBM) ay umaasa ang kalihim na wala nang kontraktwal ang ahensya pagpasok ng 2024.