Inaabangan na ng Senado sa susunod na linggo ang pagsusumite sa kanila ng Department of Budget and Management (DBM) ng panukalang 2024 National Expenditure Program (NEP).
Ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri, oras na maisumite sa susunod na linggo ang panukalang 5.768 trillion na 2024 national budget ay agad ding sisimulan ng Senate Committee on Finance ang mga pagdinig sa pondo ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Pinakalatest na gagawing budget hearings ay sa buwan ng Setyembre.
Sinabi pa ni Zubiri na sa ngayon ay wala pa siyang nakikitang kontrobersyal mula sa isinumiteng 2024 NEP bagama’t ilang senador naman ang nagpahayag na kukwestyunin ang DPWH partikular sa kanilang mga flood control projects matapos ang matinding pagbaha na naranasan sa bansa.
Batay sa proseso, ang mga appropriations bills tulad ng panukalang pambansang pondo ay una munang tinatalakay at inaaprubahan ng Kamara at kapag ito ay napagtibay na sa huling pagbasa ng Mababang Kapulungan ay saka pa lamang ito maaaring talakayin ng Senado sa plenaryo.