Iginiit ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na maaaring kwestyunin sa Korte Suprema ang inaprubahan ng Kongreso na 2024 national budget.
Ito ay dahil sa halos P450 billion na nadagdag sa pambansang pondo sa ilalim ng unprogrammed funds dahilan kaya maituturing itong ‘unconstitutional’ o labag sa ating Saligang Batas.
Sa orihinal na budget proposal ng Ehekutibo, nasa P281 billion ang panukalang pondo para sa unprogrammed funds pero matapos lang ang bicameral conference committee ay naging P731 billion ito dahil sa nadagdag na P450 billion.
Kinukwestyon ni Pimentel kung saan galing ang dagdag na pondo at kung salig ba ito sa Konstitusyon dahil ang malinaw lang sa batas ay maaaring panatilihin o bawasan ng Kongreso ang pondong hinihiling ng gobyerno pero hindi ito maaaring dagdagan o taasan.
Aniya, kung tutuusin, dahil sa dagdag na pondo mula sa P5.768 trillion ay nasa P6.1 trillion na ngayon ang panukalang 2024 national budget.
Kinontra rin ni Pimentel ang paliwanag ng Department of Budget and Management (DBM) na para sa programmed funds lang ang ipinagbabawal ng konstitusyon.
Giit ng Minority Leader, hindi naman tukoy sa saligang batas na sa programmed lang ito, kaya ang interpretasyon niya ay kasama rito ang unprogrammed funds.