2025 Bar Exams, aarangkada na ngayong araw

Mag-uumpisa na ngayong umaga ang unang araw ng 2025 Bar Examinations.

Kaninang madaling araw, nagtungo sa University of Santo Tomas ang mga law students at mga propesor mula sa iba’t ibang unibersidad para ihatid ang kanilang mga schoolmate na kukuha ng pagsusulit.

Isa ang University of Santo Thomas (UST) sa 14 testing centerS at nagsisilbi rin na national headquarters ng bar exam ngayong taon.

Kaugnay nito, mula kaninang alas-2 ng madaling araw ay sarado ang ilang kalsada sa paligid ng UST at ng San Beda University na tatagal hanggang mamayang alas-siyete ng gabi.

Sa San Beda University, sarado ang Mendiola Street mula Mendiola Peace Arch hanggang Concepcion Aguila Street, gayundin ang Concepcion Aguila Street mula Mendiola hanggang Jose Laurel.

Sarado rin ang ilang bahagi ng Legarda Street, kung saan ang eastbound lane ay nakalaan lamang para sa drop-off at pick-up ng mga kalahok sa Bar Exams.

Samantala, sa UST, isasara ang Dapitan Street sa itinakdang oras ng pagsusulit.

Apektado rin ang dalawang outermost westbound lanes ng España Boulevard mula Lacson Avenue hanggang Padre Noval Street, mula alas-dos kaninang madaling araw hanggang alas-8 ng umaga, at muling ipatutupad mula alas-3 ng hapon hanggang alas-7 ng gabi.

Kasama ring isasara ang Extremadura Street sa paligid ng Blessed Pier Giorgio Frassati Building.

Pinapayuhan ang mga motorista na dumaan na lamang sa mga alternatibong ruta.

Facebook Comments