Bumaba sa P6.326 trillion ang final version ng 2025 National Budget na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., mula sa orihinal na P6.352 trillion na proposed budget.
Ito’y matapos i-veto ni Pangulong Marcos ang P194 billion na line items ng budget dahil hindi umano naaayon sa programmed priorities ng administrasyon.
Tinukoy ni Budget Secretary Amenah Pangandaman, na partikular na nagkaroon ng direct veto sa P26 billion na proyekto ng Department of Public Works and Highways o DPWH.
Sabi ni DPWH Secretary Mannuel Bonoan, karamihan sa mga proyektong ito ay hindi pa handang maipatupad.
Nasa P168 billion naman na mga proyekto sa ilalim ng unprogrammed appropriations ang na-veto ng pangulo.
Batay kasi sa orihinal na panukala, nasa 5% lang ng budget ang nasa unprogrammed pero nung naipasa sa Bicameral Conference Committee ay lumobo ito sa halos 300% o halos 10% ng budget kaya binawasan at ibinalik sa 4.7 percent lang ng kabuuang budget.
Samantala, ginawa namang conditional implementation ang Ayuda sa Kapos Ang Kita Program o AKAP at PAyapa at MAsaganang PamayaNAn o PAMANA, ng Department of Social Welfare and Development o DSWD, at iba pang proyekto ng DPWH, Ombudsman, Judiciary, Department of Finance o DOF, Customs, Congress, Calamity Fund, at National Disaster Risk Reduction Management Council o NDRRMC.
Ibig sabihin, nasa 2025 national budget pa rin ito pero bago ma-release ang pondo ay kailangan mag-isyu ng guidelines ang National Economic and Development Authority o NEDA.
Habang nangunguna pa rin sa may pinakamataas na budget allocation sa mga ahensya ng pamahalaan ang:
Education sector na may P1.055.9 trillion at DPWH na may P1.007.9 trillion.
Ayon kay Pangulong Marcos, pinag-aralan niyang mabuti ang pambansang pondo alinsunod sa Konstitusyon at para matiyak na itoy tutugon sa pangangailangan ng mg Pilipino.