Inirekomenda ng ilang mga senador na maaari pang ibalik sa Bicameral Conference Committee ang inaprubahang ₱6.352 trillion na 2025 national budget.
Ayon kina Senators Migz Zubiri at Imee Marcos, pwedeng pakiusapan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga myembro ng Bicameral Conference Committee para mapag-aralan at maibalik pa ang mga mahahalagang proyekto na tinapyasan ng budget.
Anila, hindi pa naman nalalagdaan ng pangulo ang 2025 General Appropriations Act (GAA) kaya maaari pang ibalik at ayusin sa bicam ang budget.
Tinukoy ng mga mambabatas na ginawa na ito noon kung saan ibinalik din sa bicam ang bicam committee report para sa panukalang Coco Levy Fund, Anti-Smuggling Act, Endo Bill, at Magna Carta of Filipino Seafarers Act.
Sinabi naman ni Zubiri na sakaling hilingin ni PBBM na ibalik sa bicam ang 2025 budget ay pwedeng mag-overtime ang mga mambabatas para i-review ito dahil maituturing itong napakahalagang panukala na taon-taong ipinapasa ng Kongreso kaya dapat na gawin nila ito ng tama.
Duda naman si Sen. Imee Marcos na posibleng may himala ulit na mangyari dahil sinasabing target na lagdaan ang GAA sa December 20 gayong hindi pa nai-encode ang lalamanin ng makapal na libro ng national budget na aabutin ng apat na araw ang pag-iimprenta.