Pormal nang naisabatas ang General Appropriations Acts o ang pambansang pondo para sa 2025.
Ito’y matapos lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Republic Act 12116 ngayong araw sa Malacañang, na sinaksihan ng liderato ng Kongreso at ilang gabinete ng pamahalaan, kabilang ang economic managers ng administrasyon.
Ayon sa Pangulo, layon ng pondo na ituloy ang pagsusulong ng agenda ng Marcos administration para sa kaunlaran ng bansa.
Sinabi rin ng Pangulo na may vineto syang nasa higit 190-line item sa pondo.
Tiniyak naman ni Pangulong Marcos na bawat sentimo ng pondo ay magagastos ng tama para sa mga programang makatutulong sa buhay ng mga Pilipino.
Nailatag na anila ng administrasyon sa nakalipas na dalawang taong panunungkulan nito ang groundwork para sa pangmatagalang kaunlaran kung saan ay target na walang Pilipinong maiiwan.
Nagpaalala rin ang Pangulo sa mga opisyal ng gobyerno na gamitin sa tama ang pondo ng bayan at tiyaking matatapos ang mga proyekto.
Samantala, magkakaroon naman ng press briefing sa Palasyo matapos ang seremonya para sa detalye ng 2025 national budget.