Niratipikahan na sa Senado ang ₱6.352 trillion na pambansang budget para sa susunod na taon.
Sa mga senador na nagbotohan ng “ayes at nayes” sa budget, bumoto ng kontra rito sina Senate Minority Leader Koko Pimentel at Senator Risa Hontiveros.
Partikular na pinuna ni Pimentel ang paglobo ng unprogrammed appropriations sa panukalang budget na umakyat sa ₱531 billion mula sa orihinal na budget proposal na ₱158.6 billion.
Kasama rin sa mga senador na nagpahayag ng pagkadismaya sa 2025 national budget sina Senators Migz Zubiri, Joel Villanueva at Christopher “Bong” Go.
Kabilang sa mga ikinadismaya ng mga senador ang hindi pagdadag sa budget ng Department of Science and Technology (DOST) gayundin sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at ang hindi pagbibigay ng subsidiya sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Bago ang botohan sa ratification ng budget ay sinabi ni Senate Committee on Finance Chairperson Grace Poe na sinikap nilang tugunan sa pambansang pondo ang pangangailangan ng publiko.