
Sa ikatlong pagkakataon ay muling itinakda ang pagsalang ng proposed 2026 budget ng Office of the Vice President (OVP) ngayong araw.
Noong Martes, unang inilagay sa schedule ang pagbusisi sa OVP ng House plenary pero dahil hindi dumating si Vice President Sara Duterte ay inurong ito kahapon na hindi rin niya sinipot.
Ipinadala naman ni VP Duterte sa Kamara ang mga opisyal ng OVP kabilang si Assistant Secretary Lemuel Ortonio.
Pero giit ni House Minority Leader Marcelino Libanan, base sa House Rules ay present dapat ang pinuno ng ahensya kapag sumalang ang budget nito sa deliberasyon na sinang-ayunan naman ni House Deputy Majority Leader Arnan Panaligan.
Ayon kay Panaligan, ngayong araw na ang huling tiyansa para idepensa ng OVP ang pondo nito para sa susunod na taon.










