
Mula alas dyes ng umaga kahapon ay lagpas ala-una na ng madaling araw natapos ang deliberasyon sa proposed 2026 budget ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan pero hindi naisalang ang panukalang pondo para sa Office of the Vice President (OVP).
Wala namang dahilan na ibinigay ang House Committee on Appropriations at sa bagong schedule ay kasama na ang 902.8 million pesos na OVP budget sa planong talakayin sa plenaryo ngayong araw ng mga kongresista.
Si House Appropriations Committee Vice-chairman at Palawan Representative Jose Alvarez ang sponsor ng OVP budget.
Bukod sa OVP ay sasalang din sa pagbusisi sa plenaryo ng Kamara ngayong araw ang pondo para sa Office of the President, Commission on Audit, Presidential Communications Office, Department of Foreign Affairs, Department of Science and Technology at Department of Transportation.
Sa report ng tanggapan ni House Speaker Faustino “Bodjie” Dy III, ay nasa 51 ahensya ng pamahalaan ang nakalusot na sa period of sponsorship at debate sa Kamara.
Inaasahan naman na sa October 2 ang huling araw ng pagsalang sa plenaryo ng 2026 budget ng lahat ng mga government agencies.









