2026 national budget, aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa

Aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa ang ₱6.793 trillion na 2026 national budget.

Sa botong 17 na pabor, walang tumutol at walang nag-abstain ay nakalusot na sa third and final reading ang 2026 General Appropriations Bill (GAB).

Wala namang senador ang kumwestyon pa sa pambansang pondo bago ito pagbotohan sa plenaryo.

Sinabi ni Senate Finance Committee Chairman Sherwin Gatchalian na siyang sponsor ng 2026 budget, na pinalakas sa ilalim ng 2026 GAB ang mga programa ng pamahalaan para matugunan ang pangangailangan ng mga kababayan.

Pinagtibay din aniya ang proseso ng budget laban sa anumang uri ng korapsyon kung saan mas transparent, mas disiplinado at mas accountable.

Samantala, inaasahang sa December 11 ay sisimulan na ang bicameral conference committee na target tapusin sa December 13.

Gaganapin sa Centro de Turismo sa Intramuros sa Maynila ang bicam ng Senado at Kamara na isang government facility at mas makakamura ang Kongreso.

Facebook Comments