2026 national budget, kaya pang lagdaan ng pangulo bago matapos ang taon

Tiwala si Senate President Tito Sotto III na kaya pang lagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang 2026 national budget sa December 30, o isang araw matapos ratipikahan ng Kongreso ang bicameral conference committee report sa December 29.

Paliwanag ni Sotto, naka-monitor naman ang pangulo sa mga detalye ng pambansang pondo na naka-upload na sa website ng Senado, kabilang ang lahat ng pagbabagong isinama mula sa panukala ng Malakanyang hanggang sa napagkasunduan sa bicam.

Ayon pa kay Sotto, ang pinakamalaking kumakain ng oras sa proseso ay ang pagpi-print ng inaprubahang bersyon ng budget. Gayunman, sa panahong ito ay maaari na umanong aralin at suriin ng pangulo ang updated na national budget na makikita online.

Samantala, tiniyak ng Senate President na walang naganap na “midnight deals” o anumang pagsisingit ng pork barrel sa pambansang pondo.

Bagama’t umabot sa mas mahabang panahon ang proseso ng pagtalakay, iginiit ni Sotto na ito na umano ang pinaka-transparent at may pinakamalakas na accountability, dahil hindi na magagamit ng mga “epal” na politiko ang pondo ng bayan.

Facebook Comments