
Tinawag ng mayorya sa Senado na “most transparent” ang inaprubahang 2026 General Appropriations Bill (GAB) ng Bicameral Conference Committee.
Sa inilabas na statement ni Senate President Tito Sotto III, ang 2026 national budget ang pinaka-transparent sa kasaysayan dahil nasaksihan ng buo ng publiko ang bawat hakbang ng proseso ng budget mula sa committee briefings, plenary debates hanggang sa BICAM.
Binigyang-diin ni Sotto na ang transparency sa budget ay isang polisiya at hindi lamang sa salita.
Ipinagmalaki ni Sotto na walang midnight deals, walang last-minute insertions at wala ring amendments na nakalusot sa pagbusisi ng publiko.
Dagdag pa ni Sotto, maraming ahensya ang panalo tulad ng sektor ng edukasyon na nakatanggap ng pinakamalaking budget na P1.38 trillion gayundin ay naprotektahan din ang pondo para sa kalusugan, food security at trabaho.
Naging maingat din ang bicam sa Department of Public Works and Highways (DPWH) budget kung saan “line by line” ang mga proyekto at inobliga rin ang pagbibigay ng supporting documents sa bawat projects.









