
Tiwala si Senator Sherwin Gatchalian na ang ipinasang 2026 national budget ng bicameral conference committee ay malinis sa katiwalian at tunay na tutugon sa pangangailangan ng taumbayan.
Kaninang alas-dos y medya ng madaling araw, tuluyan nang tinapos ng bicam ang pagtalakay sa panukalang 2026 budget.
Kabilang sa mga inaprubahan ang pagbabalik ng P20.7 bilyon na pondo sa Department of Public Works and Highways (DPWH), mas mababa sa naunang tinapyas na P45 bilyon, matapos ibatay sa bagong computation na isinumite ng ahensya kaugnay ng revised adjustment factors ng mga proyekto.
Matapos ang masusing pagsusuri sa pondo ng DPWH, kumpiyansa si Gatchalian na wala nang overpriced na proyekto sa national budget.
Dahil dito, naniniwala ang senador na ang panukalang pondo para sa susunod na taon ay sumusunod sa pamantayan ng ganap na transparency.
Samantala, itinuring ni Bicam Co-Chairperson Congw. Mikaela Suansing na makasaysayan ang pagtatapos ng deliberasyon, dahil ito ang kauna-unahang pagkakataon na muling isinapubliko ang buong proseso ng pagsasaayos ng pambansang pondo.









