
Nanatili sa P6.793 trillion ang 2026 national budget na inendorso ng Senate Committee on Finance sa plenaryo ng Senado.
Inisponsoran na ni Finance Committee Chairman Sherwin Gatchalian ang 2026 General Appropriations Bill (GAB) at dito’y ibinida ng senador ang mga hakbang para gawing mas transparent ang budget process matapos na maging isyu ang budget insertions sa mga kwestyunableng flood control projects.
Sa inendorsong budget version ng komite ay binawasan ng P68 billion ang unprogrammed appropriations kung saan matatandaan na dito noon kinuha ang P25 billion na pondo para sa flood control projects.
Sa bersyon ng Kamara para sa 2026, P243 billion ang unprogrammed funds pero sa Senado ay ibinaba ito sa P174 billion.
Bumaba naman ng mahigit P55 billion ang 2026 budget ng DPWH o nasa P568 billion na lang.
Kung may binawasan, dinagdagan naman ang pondo ng Department of Education (DepEd) mula sa P914 billion na bersyon ng Kamara sa P992 billion sa bersyon ng Senado.
Tinawag din ni Gatchalian na “education budget” ang 2026 national budget na tutugon sa kakulangan ng mga silid-aralan.
Ilan pa sa nadagdagan ng pondo ang PhilHealth na may P376 billion para sa pagpapatupad ng Universal Health Care Act at zero balance billing program, gayundin ay tinaasan din ang pondo sa social pension ng mga indigent senior citizens.









