
Inaasahang sa susunod na linggo ay maaaprubahan na sa ikatlo at huling pagbasa ang 2026 national budget.
Sa Martes, December 9 ay target na mapagtibay ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang ₱6.793 trillion na 2026 national budget matapos itong makapasa kagabi sa ikalawang pagbasa sa plenaryo.
Kabilang naman sa mga major amendments na ipinasok sa bersyon ng Senado ng 2026 budget ang pagbabalik sa orihinal na pondo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) na nasa ₱11.17 billion; ang 5 percent na bawas sa costing ng mga construction materials sa ilalim ng Construction Materials Price Data (CMPD) ng DPWH; ang pagtapyas sa Foreign Assisted Projects sa ₱53 billion; paglalagay ng special provision sa CMPD adjustment na layong maka-generate ng savings para pondohan ang iba pang infrastructure projects; at itinaas sa ₱25.09 billion ang Local Government Support Fund (LGSF).
Sinabi naman ni Gatchalian na mayorya ng mga ipinasok na amendments ng mga senador ay tinanggap.
Ilan din dito ay mga hiling ng mga ahensya na inilapit sa mga senador at idinaan din muna sa konsultasyon.
Bago naman magsara ang sesyon sa December 17 ay inaasahang mararatipikahan na ng Kongreso ang 2026 budget at bago matapos ang taon ay malagdaan na ito ni Pangulong Bongbong Marcos.
Kampante naman ang liderato ng Senado na hindi sila papayag na mangyari ang pinangangambahang reenacted budget.









