
Alas-10:00 ng umaga ngayong araw ay nakatakdang isumite ng Deparment of Budget and Management (DBM) sa House of Representatives ang 2026 National Expenditure Program.
Ang ceremonial turnover ng 2026 proposed national budget ay pangungunahan ni DBM Secretary Amenah Pangandaman at tatanggapin ni House Speaker Martin Romualdez kasama ang iba pang mga lider ng Kamara.
Ang panukalang national budget para sa susunod na taon ay nagkakahalaga ng P6.793 trillion o katumbas ng 22.0% ng Gross Domestic Product (GDP).
Mas mataas ito ng 7.4% kumpara sa 2025 budget na nagkakahalaga ng ₱6.326 trillion.
Una rito ay inaprubahan ni Speaker Romualdez ang Open Bicameral Conference Committee o Bicam deliberations para matiyak ang transparency at maiwasan ang alegasyon ng insertions sa pambansang budget.
Bukod dito ay inihain din ni Romualdez at ilang leader ng Kamara ang House Resolution No. 94, na nagbibigay-pahintulot sa civil society groups na lumahok sa mga pagdinig ukol sa budget ng Committee on Appropriations upang itaguyod ang transparency at governance na nakasentro sa mamamayan.
Ang committee naman sa pamumuno ni Nueva Ecija Representative Mika Suansing ay naghain ng mga reporma para sa pagtalakay ng General Appropriations Bill at kasama dito ang pagtanggal sa nakagawiang pagbuo ng “small committee” na siyang tumatanggap at nagkokonsidera ng mga panukalang amyenda ng mga kongresista sa proposed national budget.









