
Sinimulan na sa Dagupan City ang 2026 Regional Science, Technology, and Innovation Week (RSTW) na gaganapin mula Pebrero 16 hanggang 18, 2026.
Dala ang temang “Science, Technology, and Innovation: Building Smart and Sustainable Communities,” layunin ng selebrasyon na ilapit ang agham at teknolohiya sa mga komunidad sa buong Region 1 sa pamamagitan ng tatlong araw na interactive exhibits, plenary sessions, workshops, technology demonstrations, at pagpapakita ng mga community-based innovations.
Kabilang sa mga tampok ang mga inisyatiba sa sustainable aquaculture, Artificial Intelligence at robotics, smart nutrition programs, STEM sessions, suporta para sa MSMEs, at paglulunsad ng mga innovation project gaya ng iHUBs at ASIN Center.
Sa mensahe ng alkalde ng lungsod, binigyang-diin niya na ang isang smart city ay hindi lamang nasusukat sa modernong imprastraktura o digital systems kundi sa kung paano nagagamit ang kaalaman at inobasyon upang mapabuti ang buhay ng mamamayan, makalikha ng trabaho, mapangalagaan ang kapaligiran, mapahusay ang serbisyong publiko, at mabigyan ng kapangyarihan ang kabataan.
Ipinahayag din niya ang suporta ng pamahalaang lungsod sa mga inisyatibang humihikayat sa pananaliksik, paglinang ng mga startup, pagpapalakas ng STEM education, at pagpapatibay ng ugnayan ng lokal na pamahalaan, pribadong sektor, at mga institusyong pang-akademiko.
Ipinapakita sa RSTW 2026 kung paano naipararating ang mga solusyon at oportunidad sa iba’t ibang sektor tulad ng kalusugan, kapaligiran, edukasyon, kabuhayan, at lokal na industriya sa buong rehiyon.










