Inanunsyo ng Philippine Statistics Authority (PSA) na higit 20 milyong registrants ang nakakumpleto ng Step 2 registration para sa Philippine Identification System (PhilSys).
Mula nitong July 23, nakapagtala ang PSA ng 20,724,895 Filipinos na nakuhaan na ng biometric informations at demographic information sa iba’t ibang registration centers sa buong bansa.
Ayon kay PSA Undersecretary Dennis Mapa, nananatiling on-track ang kanilang target ngayong taon na 50 hanggang 70 milyong Pilipinong rehistrado sa PhilSys.
Tiwala si Mapa na maaabot ang target na ito sa katapusan ng taon.
Ang appointment booking para sa Step 2 registration sa pamamagitan ng online Step 1 portal: register.philsys.gov.ph ay available sa 14 mula sa 17 siyudad at munisipalidad sa Metro Manila at 377 siyudad at munisipalidad sa 31 lalawigan sa buong bansa.
Hinihikayat ng PhilSys ang publiko na magparehistro online para sa PhilSys Step 1 registration sa lalong madaling panahon.
Ang mga registrants na nakakumpleto ng Step 2 registration ay papadalhan ng sulat na naglalaman ng kanilang PhilSys Number (PSN) at Physical Identification Card o Philippine ID.