21.5% ng mga benepisyaryo sa NCR+, nakatanggap na ng ayuda – DSWD

Umabot na sa 4.9 million low-income individual na apektado ng pagpapatupad ng enhanced community Quarantine (ECQ) sa NCR plus bubble ang nakatanggap ng one-time financial aid.

Ayon kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Spokesperson Irene Dumlao, aabot sa 4,930,607 beneficiaries sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal ang nabigyan ng ayuda.

Katumbas ito ng 21.5% ng kabuuang 22.9 million beneficiaries na target na mabigyan ng pamahalaan.


Sa ngayon, ang kabuuang ayudang na-disburse ng mga Local Government Unit (LGU) ay aabot na sa ₱4.93 billion.

Ang malaking halaga ng ayuda ay inilaan sa Metro Manila kung saan 3.4 million na residente na ang nakatanggap ng financial aid na nagkakahalaga ng ₱3.45 billion.

Ang payout sa Metro Manila ay nasa 30.9%.

Ang mga LGU sa Cavite, Laguna at Rizal ay nakapamahagi na ng ₱1.22 billion na ayuda sa 1,225,172 beneficiaries.

Umakyat naman sa 250,703 beneficiaries sa Bulacan ang nakatanggap ng ayuda.

Facebook Comments