21-anyos na lalaki sa Australia, na-stroke habang nagpupush-up

(iStock photo)

MELBOURNE, Australia – Kritikal ang lagay ng isang 21-anyos na lalaki matapos itong atakihin habang nagpu-push up sa kanilang bahay.

Nakikipaglaban sa buhay ang isang physically fit at malusog kung mailalarawan ng kanyang pamilya si Samuel O’Sullivan nang makaramdam umano ito ng matinding pananakit ng ulo habang nag-eehersisyo.

Ayon sa ulat ng Daily Star, bigla raw nagtatakbo patungo sa kanyang mga magulang ang binata dahil sa sakit umanong nararamdaman.


Agad na tumawag ng ambulansya ang kanyang ama’t ina dahil sa mabilis umanong paglala ng kanyang kondisyon.

Dito nadiskubre na mayroong brain disease si Samuel na lumala dahil sa kanyang isinasagawang push-up noong mangyari ang insidente.

Dali-daling sumailalim sa emergency surgery ang binata para mapigilan at makontrol ang pagdurugo sa kanyang ulo at matanggal ang presyon sa kanyang utak.

Ayon sa mga doktor, mayroong Arteriovenous malformation (AVM) si Samuel, isang kondisyon kung saan magulo o sala-salabid ang mga ugat na nakakonekta sa kanyang utak.

Matapos ang operasyon ay naiwang paralisado si Samuel at limitado lamang ang naigagalaw ng kanyang katawan.

Lumabo na rin ang kanyang paningin at hindi na magawang makapagsalita at makipag-usap.

Sa kasamaang-palad, malapit na raw sanang maging isang pulis si Samuel kung hindi naganap ang naturang trahedya.

Ipagdiriwang niya rin sana ang kanyang ika-21 kaarawan pitong araw matapos mangyari ang insidente.

Facebook Comments