21 bangkay na nasawi sa pagsabog sa Jolo, Sulu, isasailalim sa DNA testing

Sulu – Isasalang sa DNA test ang labi ng 21 indibidwal na nasawi sa naganap na kambal na pagsabog sa Jolo, Sulu cathedral noong araw ng Linggo.

Ayon kay PNP Chief Police Director General Oscar Albayalde, kahapon ay natapos ng kunan ng body tissue samples ang mga nasawi.

Layunin aniya ng gagawing DNA testing ay upang matukoy ang pagkakakilanlan ng ilan sa mga bangkay lalo na ang mga wala pang nagki-claim.


Sa pamamagitan aniya ng DNA test ay malalaman kung ano ang nationality ng mga bangkay na wala pang umaako.

Inaasahan naman ni PNP Chief Albayalde na medyo matatagalan ang gagawing DNA testing na maaring abutin ng isang buwan bago lumabas ang resulta.

Una nang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na suicide bombing ang nangyaring pagsabog sa Jolo, Sulu at para tuluyan itong makumpirma ay gagawin ng PNP ang DNA testing.

Batay sa paglalarawan ng mga opisyal ng PNP at AFP sa pinangyarihan ng pagsabog sa Jolo cathedra,l may ilang bangkay ang lasog lasog ang katawan.

Hinala ng mga awtoridad, maaring isa o dalawa sa mga lasog lasog na katawan ay ang suicide bombers.

Facebook Comments