Matagumpay na nailigtas ng mga tauhan ng Naval Forces Western Mindanao katuwang ang Municipal Inter-Agency Council Against Trafficking (MIACAT) ang 21 katao na biktima ng human trafficking sa Bongao Pier sa Brgy. Poblacion, Bongao, Tawi-Tawi nitong August 10, 2023.
Ayon kay Niño Fernando Cunan acting Public Affairs Officer, Naval Forces Western Mindanao ang mga ito ay naharang ng mga awtoridad lulan ng pump boat patungong Malaysia na walang kaukulang travel documents at iba pang mga papeles.
Ani Cunan, pinangakuan ang mga na-rescue ng trabaho sa Malaysia at pagkarating umano nila roon ay may sasalubong sa kanilang alyas Winda.
Agad namang nagkasa ng follow-up operation ang mga awtoridad dahilan para muling makasagip ng walong indibidwal na biktima rin ng human trafficking sakay ng MV Ever Queen of Asia sa Bongao Pier at patungo ng Kota Kinabalu, Malaysia.
Samantala, ang mga nasagip ay kasalukuyan nang sumasailalim sa profiling and documentation ng MIACAT-Tawi-Tawi at naiturn over na sa Ministry of Social Services and Development sa Bongao.