Naka-isolate ngayon ang 21 bilanggo matapos silang makitaan ng sintomas ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Sa Laging Handa public press briefing sinabi ni Bureau of Jail Management & Penelogy (BJMP) Spokesperson Jail Chief Xavier Solda na nasuri na ang 21 detainees at kasalukuyan na lamang nilang hinihintay ang resulta ng COVID-19 test ng mga ito.
Ayon pa kay Solda, sa ngayon, nananatiling COVID-19 free ang mga detention facilities na pinamumunuan ng BJMP sa buong bansa.
Paliwanag ni Solda, naging maagap kasi sila sa BJMP tulad ng agad na pagsususpinde ng jail visitation privileges sa mga bilanggo upang maiwas ang mga ito na tamaan ng virus.
Tuluy-tuloy din, aniya, ang isinisagawang disinfection sa kanilang mga pasilidad.
Kasunod nito maaari naman, aniyang, makita ng kanilang mahal sa buhay ang kanilang mga nakakulong na kamag anak sa pamamagitan ng electronic o E-dalaw.
Hinahayaan din, aniya, nila ang mga ito na makanuod ng telebisyon at makakinig ng balita sa radyo nang sa ganun ay alam nila ang gagawin upang makaiwas sa pagkakaroon ng COVID-19.