21 labor groups, umapela sa Kamara na pagtibayin na ang panukalang “paid pandemic leave”

Lumiham ang nasa 21 labor groups sa Mababang Kapulungan ng Kongreso para hilingin ang agad na pagpapatibay sa panukalang “paid pandemic leave”.

Hanggang ngayon kasi, mula nang ihain sa Kamara ang House Bill 7909 o “Paid Pandemic Leave Bill” noong 2020 ay nakabinbin pa rin ito sa Mababang Kapulungan habang sa Senado naman ay may kahalintulad na ring panukalang inihain na Senate Bill 2148.

Tinukoy sa liham na pinangunahan ng Kilusang Mayo Uno, na sila sa sektor ng mga manggagawa ay apektado ng health crisis lalo na’t ang karamihan ay hindi pa rin ganap na nakakabangon sa epekto ng pandemya.


Ipinunto rin na napapanahon nang maipasa ng Kongreso at maging ganap na batas ang panukala sa gitna na rin ng pagtaas ng mga kaso at banta ng Omicron variant.

Hiniling ng mga ito na gamitin ang savings mula sa natitirang budget noong nakaraang taon gayundin ang sobrang alokasyon ng militar at pulis para mapondohan ang quarantine pay ng mga manggagawang kinakailangang lumiban sa trabaho dahil nagkasakit ng COVID.

Dagdag ng labor groups, ang ‘Paid Pandemic Leave Bill’ ay hindi lamang “economic measure” kundi isa ring “medical measure” na makakahikayat sa mga manggagawa sa kanilang trabaho at hindi mag-aalala na maapektuhan ang kabuhayan kapag na-quarantine o tinamaan ng COVID-19.

Facebook Comments