Manila, Philippines – Inaresto ng mga kagawad ng Station 2 ng QCPD ang dalawamput isang kalalakihan na masyadong maingay habang nag-iinuman sa kalsada matapos na magsagawa ng Oplan Galugad ang mga awtoridad sa lungsod ng Quezon.
Ayon kay QCPD Station 2 Commander P/Supt. Igmedio Bernaldez, bahagi ng Anti Criminality Campaign ng QCPD, ang kanilang ginagawang operasyon para matiyak na ligtas ang mga residente na maglakad ng gabi.
Ginalugad ng mga tauhan ng QCPD Station 2 ang Brgy. Paltok, Brgy. Damayan, Brgy Paraiso, Brgy West Riverside, Brgy. Masambong at Brgy. Del Monte upang tiyakin na walang nag-iinuman sa kalsada.
Ipinaliwanag ni Supt. Bernaldez, marami nang natatanggap na reklamo ang kanilang istasyon dahil sa ingay ng mga nag-iinuman sa mga naturang Brgy. maging ang walang tigil na pagbibidyo-oke kahit lagpas na sa itinakdang oras na alas diyes ng gabi.
Pawang mga umiinom sa lansangan ang mga nahuli at walang nahuli na gumagamit ng ilegal na droga, kabilang ang limang menor de edad na bukod sa pag-inom ay lumabag din sa curfew.
Pinauwi rin ng mga awtoridad ang mga menor de edad ganun din ang mga inaresto pang mga kalalakihan matapos na pinagsasabihan ng mga pulis na huwag na ulitin ang kanilang ginagawang pang-iistorbo sa pamamagitan ng pag-iingay.
DZXL558