21 na sundalo na ideneploy sa Cebu, nagpositibo sa COVID-19

Matapos i-deploy sa Cebu para tumulong sa ipinatutupad na community quarantine, nahawaan ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) ang 21 mga sundalo.

Ayon kay 3rd Infantry Division Spokesperson Major Cenon Pancito III, pito sa 21 nagpositibo sa COVID-19 ay nakakaranas ng sintomas ng virus habang ang 14 ay asymptomatic.

Sinabi ni Pancito, buwan ng Abril nang magpadala sila ng 41 sundalo sa Cebu para tumulong sa mga ipinatutupad na health protocols.


June 23, 2020 nirecall ang mga sundalo sa Cebu at dinala sa isang isolation area sa Kabangkalan Negros Occidental.

Ngunit makalipas ang ilang araw, pito sa 41 mga sundalo ay nakaranas ng sintomas ng COVID-19 kaya agad isinailalim sa COVID-19 swab test at July 3, 2020 natukoy na positibo sa virus ang pito.

Dahil dito, isinailaim na rin sa COVID 19 swab test ang 34 pang mga sundalo at July 8, 2020 lumabas ang resulta at 14 sa mga ito kumpirmadong nahawa ng COVID-19.

Habang negatibo naman ang 20 sundalo na ngayon ay isinasailaim sa 14-day quarantine bago muling isalang COVID-19 swab test para masigurong clear sa sakit.

Sa kasalukuyan, nanatili ang 21 mga sundalo na positibo sa virus sa isang health facility ng Negros Occidental at mga medical staff ng Negros Occidental Provincial Health office ang nagmomonitor sa kanilang kalagayan.

Facebook Comments