Pinag-aaralan na ng Department of Health (DOH) at mga opisyal ng Inter-Agency Task Force (IATF) na isama sa travel ban ang ilang mga bansa na may na-detect na Indian variant.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, gusto ng pamahalaan na makasiguro na hindi makakapasok ng bansa ang Indian variant kaya inoobserbahan na nila ngayon ang 21 pang mga bansa na napasukan ng double mutation.
Giit ni Vergeire, ayaw natin na matulad sa Nepal na tumataas na ngayon ang mga kaso matapos na makapasok ang naturang variant.
Nabatid na inaprubahan na ng IATF ang rekomendasyon ng DOH na isagawa ang COVID-19 test sa ikapitong araw ng quarantine para masiguro na kahit nakakapasok pa rin ang ibang travelers lalo na ang mga Filipino sa ating bansa ay sigurado na naka-quarantine sila ng maayos o naa-isolate ng maayos upang mapigil ang pagkalat ng virus.