Nasagip ng mga tauhan ng Naval Forces Western Mindanao at Joint Task Force Tawi-Tawi ang lahat ng sakay isang lantsang rehistrado sa Pilipinas matapos masiraan sa karagatang sakop ng Sabah Malaysia.
Ayon kay Brig. Gen. Romeo Racadio, Commander ng Joint Task Force Tawi-Tawi, dinispatsa agad ng Naval Task Group Tawi-Tawi ang BRP Florencio Iñigo (PC393) matapos matanggap ang distress call ng M/L Rihanna.
Nabatid na nagkaroon ito ng problema sa makina habang bumibiyahe patungo sanang Taganak Island.
Sa isinagawang search and rescue operation, nakipag-coordinate ang Philippine Navy sa Malaysian Navy na siyang humila sa M/L Rihanna mula sa karagatan ng Tagupi Island, Sabah patungong Tanjung Labian, Malaysia habang hinihintay ang barko ng Phil. Navy.
Nang makarating sa lugar, isinakay ng BRP Florencio Iñigo ang anim na crew at 15 pasahero ng M/L Rihanna at hinila ang sirang lantsa patungong Lamion Wharf, Bongao, Tawi-Tawi kung saan maayos naman ang lagay ng lahat ng mga pasahero.